Noon daw unang panahon, ang aso at pusa ay lubhang matalik na magkaibigan. Hindi sila naghihiwalay. Kung saan nandoon ang isa, tiyak na naroroon ang isa.
Minsan ay nagkaroon ng paghihikahos sa kanilang lugar at wala sila halos makain. Gayun pa man ang anumang pagkaing kanilang matagpuan ay kanilang pinasasaluhan. Maraming naiinggit sa kanilang pagsasamahan. Habang ang dalawa ay kumakain, nagsalita ang aso.
"Kaibigan, ano kaya at umalis tayo dito. Magtungo tayo doon sa lugar na may makakain tayo."
Naisip ni Pusa na tama ang kanyang kaibigang aso kaya't silang dalawa ay umalis ng kanilang bayan.
Napadako sila sa isang malayong bayan. At doon ay kinupkop sila ng isang lalaking may magandang kalooban. Pinatauloy sila sa kanyang bahay at binigyan ng gawain kapalit ng pagtira sa bahay nito at pagbibigay ng pagkain sa kanila.
Sa unang mga araw, naging maganda ang kanilang samahan. Maging ang kanilang amo ay nasiyahan sa kanilang ginagawa.. Subalit, minsan ang kanilang amo ay naguwi ng pagkain ngunit tila si pusa ay nakalimutang bigyan. Nakita ni Pusa ang pagkain ni Aso nang mag-isa at hindi man lamang siya nilapitan para bigyan tulad ng dati niyang ginagawa.
Naulit pa ang pangyayaring iyon ng ilang beses kung kaya't unti-unting nagtanim ng galit at inggit si Pusa sa kanyang kaibigang aso. Nakita niya na tila naging higit ang pagmamahal ng kanilang amo kay Aso kaysa sa kanya.
Nang minsan nagpaalam ang kanilang amo, pinagbilinan silang dalawa ng mga gagawin sa bahay, subalit pagka-alis nito, si Pusa ay nagsakit-sakitan. Sinabi niya kay Aso na hindi siya makagagawa sapagkat siya ay may sakit.. Naawa si Aso kay Pusa kung kaya't siya na ang umako ng lahat ng gawain sa bahay. Si Pusa ay nanatiling nakahiga at hinintay na matapos si Aso sa lahat ng mga gawain. Bilang kunwaring paglalambing ay inutusan niya si Aso na bumili ng maiinom sa labasan na sinunos naman nito.
Habang wala sa bahay si Aso, ay dumating ang kanilang amo. Nagkunwaring nagtatrabaho si Pusa na kunwaring hirap na hirap. Ito ang inabutan ng amo kung kaya't sa awa kay Pusa, tinanong niya kung nasaan si Aso. Sinabi ni Pusa na si Aso ay walang ginagawa kung hindi ang umalis ng bahay kapag siya ay wala at ang lahat ng gawain ay sa kanya ibinibigay.
Nagalit ang amo sa aso. Nang dumating itoay agad ni itinaboy ng amo. Hawak ang pamalo, pinagsabihan si Aso na huwag ng tutungtong ng bahay at ito ay umalis na. Walang nagawa si Aso kung hindi ang tumalikod at umalis taglay ang galit kay Pusa.
Simula noon, kahit saan magkita ang dalawang hayop, sila ay laging nag-aaway.
No comments:
Post a Comment